
- May panawagan ang isang netizen na aminadong may cleft palate
- Huwag gawing katatawanan lalo na sa pelikula ang pagiging bingot o ngongo
- Panahon na raw upang itigil na ang mga ganitong derogatory term tungkol sa naturang kondisyon; wala raw nakakatawa at nakakatuwa sa mga ganitong uri ng katatawanan
“Hindi nakakatawa ang pagiging ngongo.”
Iyan ang deretsahang pahayag ng netizen na nagngangalang ‘John Clark Rias’ sa kaniyang Facebook post kung saan nanawagan siya sa publiko na huwag gawing katatawanan ang pagiging bingot at ngongo, lalo na sa mga palabas gaya ng mga teleserye at pelikula.

“Matagal na kong tumigil sa pagpuna sa mga gawa ng direktor na ito kasi sabi ko nga, baka ingay talaga ang hanap niya. At sa bawat share at repost, kahit ng kritisismo eh siya pa rin ang makikinabang. Pero dito, ‘di na ko magtitimpi,” saad ng netizen, na aminadong nasasaktan dahil may cleft palate siya, ngunit masuwerte dahil hindi naging apektado ang kaniyang pananalita.
Makikita sa kalakip na image capture sa kaniyang post ang real-life celebrity couple na sina Kim Molina at Jerald Napoles, na tila eksena sa isang pelikulang pinagsamahan nila.
“Una, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit hanggang ngayon eh ginagamit ninyo pa rin as derogatory term ang salitang bingot. Nakakatawa nga naman kasi lalo na kapag hindi ninyo naranasan,” saad ng netizen.
“Pangalawa, hindi ito usapin tungkol sa pagiging seryoso o pagiging KJ. Usapin ito nang kung paanong gamit na gamit pa rin ang kapintasan ng iba para sa katatawanan. 2021 na. Pwede maging nakakatawa nang walang nasasaktan o naaapakan.”

“Pangatlo, kung may magtatanggol man sa bagay na ito at sasabihing isa lang ‘tong paraan para magbigay ng awareness tungkol sa kondisyon na ito, salamat na lang. Hindi sa ganiyang paraan bumubuo ng diskurso at usapan. At kung meron man na magandang paliwanag sa kung paanong magiging katanggap-tanggap ito, ipaintindi ninyo naman sa akin.”
“Huli, kung meron kayong kakayahan o impluwensya na gumawa ng mga content na naaabot ng marami, parang awa niyo na, gamitin niyo nang tama. Nakakasawa na. Hindi nakakatawa at lalong hindi nakakatuwa,” pangwakas na pahayag niya.
Ikaw, sumasang-ayon ka ba sa kaniyang sinabi? Panahon na nga ba upang i-angat ang diskurso sa mga ganitong paraan ng pagpapatawa?
No comments:
Post a Comment