- Hindi pabor si Pangulong Duterte na ipatawag ang National Security Council o NSC
- Sa halip, pinag-iisipan umano ng presidente na konsultahin na lamang ang mga naging dating lider ng bansa
- Iginiit din ng Malakanyang na walang ‘nakalilito’ sa naging mga pahayag ng Pangulo hinggil sa WPS
Walang plano si Pangulong Duterte na ipatawag sa isang meeting ang National Security Council (NSC) para mapag-usapan ang mainit na isyu ng agawan ng teritoryo ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea.
Sa halip, mas pabor umano ang Pangulo na konsultahin na lamang ang mga nakaraang presidente, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Pinalagan din ng Palasyo ang sinabi ni dating Senador Rodolfo Biazon na ‘nakalilito’ ang mga naging pahayag ng Pangulo kaya kailangan nitong ipatawag ang NSC para linawin ito.
“Unang-una, wala pong confusing sa stand ni Presidente sa West Philippine Sea,” ani Roque sa kaniyang regular na press briefing nitong Huwebes.
Malinaw daw na ang polisiya ngayon ng Duterte administration ay pansamantalang iwasan muna ang mga isyung magreresulta sa hindi pagkakaunawaan at sa halip ay pagtuunan ng pansin ang komersiyo at pamumuhunan ng bawat panig.
Subalit hindi raw ito nangangahulugan na mamimigay na tayo ng teritoryo; bagkus ay patuloy na “paninindigan at pangangalagaan natin ang pangnasyunal na soberenya at ang ating mga sovereign rights,” ayon kay Roque.
“Pangalawa, actually nabanggit po sa akin iyan ni Presidente, ang problema doon sa National Security Council, wala naman pong nare-resolve doon sa mga pagkakataon na naka-attend siya,” wika pa ng kalihim.
Iyong mga nakaraang karanasan daw kasi ng Pangulo sa NSC meeting ay wala namang nareresolbang problema kaya bakit kailangan pa nilang ipatawag ang konseho kung maaari naman itong gawing ‘informal’ consultation’.
Pinag-iisipan na raw ngayon ni Pangulong Duterte na imbitahan ang mga dating presidente upang pag-usapan ang isyu ng West Philippine Sea.
Ganun pa man, ito ay wala pang kasiguruhan at hindi pa rin matitiyak ang petsa kung kailang mangyayari.
“The President is considering the idea of an alternative to convening the National Security Council. Pero iyon po, still in the process of consideration,” bahagi ni Roque.
Hindi rin binanggit ng Palasyo kung kabilang si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa posibleng imbitahan sa Malakanyang. Ang nakaraang administrasyong Aquino ang madalas sisihin ni Duterte sa mga problema ng bansa kabilang na ang sigalot sa WPS.
No comments:
Post a Comment