Breaking

Post Top Ad

Your Ad Spot

Wednesday, 21 September 2022

PNP-Human Rights office nag-sorry sa mga organizers ng community pantry


Imahe mula sa Politiko/ Jonas Sulit
  • Nag-sorry ang PNP HRAO sa mga personalidad na nasa likod ng community pantry
  • Ito ay dahil umano sa ginawang ‘profiling’ at ‘red tagging’ sa kanila ng ilang PNP personnel
  • Nilinaw rin ng PNP HRAO na hindi iyon utos ng pamunuan ng PNP

Humingi ng paumanhin sa mga organizers ng community pantry ang PNP Human Rights Affairs Office (PNP HRAO) dahil sa ginawa umanong ‘profiling’ o red tagging ng ilan sa kanilang mga tauhan.

Sa ginanap na pagdinig ng House committee on human rights nitong Miyerkules, iginiit ni P/Brig. General Vincent Calanoga, acting chief ng PNP-HRAO, na ang ginawang profiling ng mga PNP personnel sa mga nasa likod ng community pantry ay hindi direktang utos ng kanilang pamunuan.

Imahe mula sa PNP HRAO

“‘Yung iba pong insidente na kung saan tinawag po na profiling o red tagging ay hindi po sakop ng pulisya, ng buong PNP. Ito po ay binigyan ng kaukulang aksyon para hindi na po ito mauulit,” ani Calanoga.

Dahil sa mga nakaraang insidente ng red-tagging, nag-sorry ang PNP official sa mga personalidad na nadawit at naapektuhan nito.

“Sa mga naapektuhan po, humihingi po ang PNP HRAO ng paumanhin sa mga taong naapektuhan kung ano man po ‘yung maibalita o naipost na hindi po nila nagustuhan,” dagdag pa ni Calanoga.

Community Pantry| Imahe mula sa Vatican News

Ganun pa man, ipinaliwanag ng hepe ng PNP HRAO na ang ginawang pagtatanong ng mga nagpapatrulyang pulis ay bahagi lamang ng kanilang trabaho na alamin ang lahat ng nangyayari sa kanilang areas of responsibility.

Sana raw ay maintindihan ng publiko na kapag nagtatanong ang kapulisan ay nais lamang ng mga ito na maisama sa kanilang patrol report ang anumang insidente o aktibidad na napansin nila sa lugar na kanilang iniikot.

Ang community pantry ay unang sumulpot sa Maginhawa Street sa Quezon City noong Abril na isang inisyatibo ni Ana Patricia Non. Kaagad itong pinilahan ng mga taong naghahanap ng makakain sa gitna ng umiiral na pandemya.

Imahe mula sa Inquirer

Makaraan lamang ang ilang araw ay nag-usbungan na rin ang mga community pantry sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas at maging sa ibang bansa.

Subalit kasabay naman nito ay ang diumano’y ‘red tagging‘ na ginawa ng kapulisan at militar sa mga nasa likod ng community pantry; bagay na inalmahan naman agad at kinondena ng ilang grupo at mga pulitiko dahil sa takot na idinulot nito sa mga taong nais lang naman sanang tumulong ngayong COVID-19 pandemic.


No comments:

Post a Comment

Post Top Ad

Your Ad Spot