- Isang office worker na nagdiriwang ng kaarawan ang niregaluhan ng kunwaring “cake” na gawa sa mga hinog na mangga at Bravo biscuits
- Nilagyan pa ng litrato ni Paolo Contis ang regalong “cake” para palabasin na kunwari ay galing iyon sa sikat na Conti’s Bakeshop and Restaurant
- Nakarating sa kaalaman ng aktor ang katuwaan ng magkaka-opisina at nangako siya na bibigyan niya ng tunay na cake ang babaeng may kaarawan
Marami ang humanga sa aktor na si Paolo Contis sa ginawa niya sa isang babae na katuwaang niregaluhan ng officemates nito ng mga mangga at Bravo biscuits na kunwari ay “Mango Bravo” cake na gawa ng popular na Conti’s Bakeshop and Restaurant.
Makikita sa Homepaslupa Buddies Facebook page ang larawan ni Katrina David na may hawak na isang kahon kung saan nakapatong ang ilang piraso ng manggang hinog at ilang pakete ng Bravo Biscuits. Pabilog na itinali ang mga iyon gamit ang kulay beige na ribbon para maghugis “cake.” Sa gitna ng mga biscuit ay isang birthday candle na nakasindi.
Makikita rin ang puting bond paper kung saan nakadikit ang litrato ng aktor para palabasin na galing ang “cake” sa Conti’s.
“Hi mga kaslapsoil. Share ko lang nagawa naming kabutihan. Naiyak officemate namin ‘di expect na gagastusan talaga namin b-day n’ya. Tamang ambagan lang malayo talaga mararating,” ang caption sa post ng officemate ni Katrina na si Cheenz Olalia Malang.
Naaliw ang mga netizens sa paandar ng mga kaibigan ni Katrina. Ishinare nila ang nakatutuwang larawan at naka-tag ang pangalan ni Paolo Contis hanggang makaabot iyon sa kaalaman ng aktor.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Paolo na padadalhan niya ng tunay na cake si Katrina, pero nilinaw niya na hindi siya ang may-ari ng Conti’s bakeshop and Restaurant.
“Ang daming nag-tag sa ‘kin nito. Hanep talaga taba ng utak ng Pinoy. Lalo na ang mga slapsoils. May nakakaalam ba sino ‘tong si ate? Paki-tag naman siya nang makausap ko at mapadalhan ko ng tunay na cake. Pero guys, ipapaalala ko lang ha…hindi po sa ‘kin ang Conti’s Bakeshop,” sabi ni Paolo sa post niya.
Agad namang nakarating kay Katrina ang mensahe ni Paolo at pinasalamatan niya ito.
Ganito ang tunay na larawan ng Mango Bravo cake ng Conti’s Bakeshop and Restaurant. Ang regular size nito ay nagkakahalaga ng P1,490 samantalang ang mini version ay P895. Puwede ring makabili ng isang slice nito sa halagang P245.
No comments:
Post a Comment