- Nagbabala si Pangulong Duterte na mapipilitan siyang magpatupad ng mas istriktong lockdown kapag muling tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa
- Ang babala ng Pangulo ay kaugnay ng mga bagong variants ng COVID-19 na nakapasok na sa Pilipinas
- Ang “obedience” o pagsunod sa protocols umano ang pag-asa ng Pilipinas upang malampasan ang pandemya
Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na mapipilitan siyang magpatupad ng mas istriktong lockdown kapag muling tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa dahil sa hindi pagsunod ng mga tao sa health protocols sa gitna ng paglitaw ng mga bagong variants ng coronavirus.
Aniya, ang “obedience” o pagsunod sa protocols ang pag-asa ng Pilipinas upang malampasan ang pandemya. Kaya umano bumababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 ay dahil sa pagsunod sa mga protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
“Alam mo ang pag-asa natin is really the obedience. So if I’m strict and kung may improvement man ngayon sa larangan ng ating mga siyudad, there’s a sharp drop of cases, it’s because they followed the protocols,” pahayag ng Pangulo.
“Kasi ‘pag hindi, then mapipilitan again ako na to impose lockdowns and everything at mas strikto ang gobyerno. If hindi ninyo sinusunod at may resurgence na naman plus the new variants ay mapipilitan talaga ako mag-impose ng lockdown maybe stricter this time because hindi natin alam kung anong variants ‘yan,” sabi pa niya.
Kamakailan lang ay nadiskubre na nakapasok na sa bansa ang mabagsik na variant ng COVId-19 – ang B.1.617 na unang sumulpot sa India.
Bukod sa Indian variant, mayroon din sa bansa ng B.1.1.7, B.1.351, at P.1 variants na nagmula sa United Kingdom, South Africa at Brazil.
Batay sa tala ng Department of Health, mayroon nang kabuuang 1,149,925 Covid-19 infections sa bansa as of May 17, 2021. Ang 54, 235 sa mga iyon ay active cases.
Partikular na umapela ang Pangulo sa mga mamamayang ayaw magpabakuna.
“We cannot force you but then sana kung ayaw niyo magpabakuna, ‘wag na kayo lumabas ng bahay para hindi na kayo maghawa ng ibang tao,” aniya.
Nagbigay din ng paalala ang Pangulo sa mga mamamayang nabakunahan na patuloy na mag-ingat. Sinabi niya na naroon pa rin ang posibilidad na mahawahan at magkasakit dahil sa mga bagong variants.
No comments:
Post a Comment