- Ipamimigay na ng GSIS ang one-time cash assistance na P20,000 ngayong buwan ng Mayo
- Isasabay umano ito sa pamamahagi ng buwanang pensiyon
- Ang pagbibigay ng one-time P20,000 financial aid ay nakapaloob sa AO No. 39 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Abril
Tiniyak ng Government Service Insurance System (GSIS) na matatanggap na ngayong buwan ng Mayo ang one-time cash assistance na P20,000 para sa mga employees compensation (EC) pensioner.
Ang EC Program ay isang programa ng gobyerno na idinesenyo upang magbigay ng compensation package sa public (GSIS) at private (SSS) employees o sa kanilang dependents sakaling ang mga empleyado ay nagkasakit, naaksidente o nasawi habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Sa panayam kay GSIS Executive Vice President Nora Malubay sa PTV News, ibinahagi ng opisyal na isasabay nila ng naturang halaga sa pamamahagi ng buwanang pensiyon nitong Mayo na maaaring matanggap sa pamamagitan ng tseke o UMID card.
“Ngayon po ay makakatanggap ng fixed amount na P20,000. Sila po kasi ay nagke-claim ng monthly EC pension so lahat yon isasabay ang P20,000 either through checques, yung iba may UMID card. Ngayong Mayo ipapatupad namin ‘yan,” ani Malubay.
Noong Abril 19, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order (AO) No. 39 na nagbibigay ng kapangyarihan sa (Employees Compensation Commission) ECC na pagkalooban ng nabanggit na halaga ang tinatayang nasa 31,000 EC pensioners ng GSIS at SSS.
BASAHIN: Duterte, inaprubahan ang one-time P20,000 cash assistance para sa EC pensioners ng GSIS at SSS
Samantala, hinikayat din ni Malubay ang lahat ng may utang sa GSIS na magbayad sa pamamagitan ng Bayad Center sa halip na tumungo pa sa kanilang tanggapan.
“‘Yun pong loan noong araw pakisettle po yan sa Bayad Centers and payment outlets para hindi na masyadong takbuhan ng penalties,” ayon sa opisyal.
Kaugnay nito, maaaring magbayad ang mga may underpaid na account, may mga delayed na amortisasyon at maging ang mga nais nang magbayad ng advance.
No comments:
Post a Comment