
- Napanalunan na ang mahigit P181-M na jackpot prize sa Mega Lotto 6/45
- Isang mananaya mula sa Davao City ang masuwerteng nakahula sa anim na numerong lumabas
- Ito na ang pangatlong beses ngayong buwan ng Mayo na napanalunan ang jackpot sa lotto
Isa na namang masuwerteng mananaya ang nadagdag sa listahan ng mga naging milyonaryo ngayong panahon ng pandemya dahil sa lotto.
Nitong Miyerkules nang gabi, Mayo 26, ay isang mananaya mula sa Davao City ang pinalad na mahulaan nang tama ng anim na numero na lumabas sa Mega Lotto 6/45 para makuha ang nasa mahigit P180-M na jackpot prize.

Ibinahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang Facebook page na ang lone bettor mula sa Davao ang siyang mag-uuwi ng premyong jackpot na nagkakahalaga ng P181,680,185.60 matapos lumabas ang kaniyang tinayaang numero na 23-43-29-32-36-04.
Batay sa ulat ng ABS-CBN News, tumaya ng mapalad na bettor dakong alas-2:41 nang Miyerkules sa isang lotto outlet sa Mintal, Davao City.
Ang lumabas na winning combination ay isa sa apat na combination na kaniyang tinayaan.

Ito na ang pangatlong beses na tinamaan ang jackpot prize sa lotto ng apat katao ngayong buwan ng Mayo.
Noong Mayo 8, dalawang mananaya – isa mula sa Iriga City at isa mula sa Davao City – ang naghati sa jackpot prize na P101.3-M ng Regular Lotto 6/42.
Sinundan ito ng isa pang masuwerteng mananaya mula naman sa Abucay, Bataan ang nag-uwi ng P29.7-M na jackpot prize ng Grand Lotto 6/55.

Samantala, wala namang nakahula sa winning combination na lumabas nito ring Miyerkules sa Grand Lotto 6/55 na 22-31-49-54-02-37. Ito ay may kasalukuyang premyo na mahigit P29.7-M sa ngayon at inaasahang lalaki pa sa susunod na bola.
Ang Mega Lotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes; habang ang Grand Lotto 6/55 naman ay tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.
No comments:
Post a Comment