- Hindi umano sakop ng EEZ ang Julian Felipe Reef, ayon kay Roque
- Pinalalaki lang daw ang isyu lalo na pagdating sa agawan ng fishing grounds
- Binawi at nilinaw naman ni Roque ang kaniyang pahayag kinalaunan
Taliwas sa paninindigan ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kailan man ay hindi naging pag-aari ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef (Whitsun Reef) at labas na ito sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Ang Julian Felipe Reef, kung saan noong Marso ay nakahimpil ang mahigit na 200 barko ng Tsina na naging ugat ng panibagong sigalot sa West Philippine Sea, ay 175 nautical miles ang layo mula sa Bataraza, Palawan habang 638.229 nautical miles naman ang distansiya nito mula sa pinakamalapit na Chinese island ng Hainan.
“’Yung sinasabi namang incursions, uulitin ko po, ‘yung mga napakaraming fishing boats sa Julian Felipe, ‘yan po ay napakalayo sa atin. Sa katunayan, ni minsan hindi po natin na-possess ‘yan.,” ani Roque sa kaniyang press briefing nitong Martes.
Pinalalaki lang ang isyu
At dahil hindi naman talaga ito naging atin, mistulang pinalalaki lang daw ang isyu pagdating sa fishing grounds na pinag-aagawan ng Pilipinas at Tsina.
“Pinalalaki po ang issue. Ang issue po talaga diyan is unang-una, fishing — kasi alam mo, ni hindi po iyan kabahagi ng ating EEZ iyong Julian Felipe,” dagdag pa ng kalihim.
Katunayan raw ay hindi naging bahagi ng arbitration ang Julian Felipe Reef dahil nga lubhang napakalayo na nito sa baybayin ng Pilipinas.
Subalit nilinaw ni Roque na hindi ibig sabihin ng kaniyang pahayag ay inaabandona na ng Palasyo ang pag-aari ng nasabing isla.
“Ang sinasabi ko lang eh bakit ba binabato na naman sa Presidente iyan, eh wala namang isyu na hindi tayo in possession of that part of the disputed West Philippine Sea,” paliwanag pa ng opisyal.
Maaaring gamitin ng China vs. Pinas
Subalit kinontra naman ni Atty. Jay Batongbacal ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea ang naging pahayag ni Roque.
Malinaw umano na nasa EEZ ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef dahil 175 nautical miles lamang ang layo nito sa Palawan kaya pasok ito sa 200 nautical miles EEZ ng bansa.
Ayon pa kay Atty. Batongbakal, maaaring magkaroon ng implikasyon ang sinabi ni Roque dahil maaari itong gamitin ng China kontra Pilipinas, lalo pa’t isang may alam sa legal situation, bukod pa sa pagiging tagapagsalita ng Pangulo, ang nagsabi.
Kinalaunan ay binawi rin ni Roque ang kaniyang pahayag at nilinaw na bagama’t ‘labas’ na sa EEZ ng bansa ang Julian Felipe Reef ay bahagi ito Kalayaan Island Group na idineklarang sakop ng Pilipinas sa pamamagitan ng Presidential Decree 1596 na inilabas noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
No comments:
Post a Comment