- Nasa 2,000 hanggang 3,000 katao ang naabutang naliligo sa isang ilog sa Norzagaray nitong Linggo
- Dahil dito, natiketan ang nasa 75 katao at inaalam na rin kung may pananagutan ang mga lokal na opisyal ng barangay
- Dahil sa insidente, pansamantalang ipinasara muna sa publiko ang naturang ilog
Pansamantalang isinara muna sa publiko ang isang ilog sa bayan ng Norgaray, Bulacan matapos itong dagsain ng maraming tao para maligo dahil na rin sa sobrang init nitong Linggo, Mayo 23.
Batay sa ulat na inilabas ng Bulacan PNP, nasa 2,000 hanggang 3,000 katao ang dumagsa sa Bakas River sa Barangay Matictic bandang katanghalian noong Linggo kahit na ipinagbabawal pa ito dahil na rin sa umiiral na pandemya.
Ang lalawigan ng Bulacan ay nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ) ‘with heightened restrictions’.
Ayon kay Bulacan Provincial Director P/Col. Lawrence Cajipe, nakatanggap sila ng ulat tungkol sa paglabag sa ipinatutupad na minimum health protocol sa nabanggit na lugar kaya agad niyang ipinadala doon ang ilang miyembro ng Norzagaray PNP at Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company upang mag-imbestiga.
Naabutan pa umano sa lugar si Norzagaray Mayor Alfredo Germar na kinakausap ang mga tao at pinapayuhang umuwi na lamang.
Sa mga larawang ibinahagi sa Facebook ng Bulacan PNP, makikita ang ilang mga taong naliligo sa ilog, nag-uumpukan na walang suot na face mask habang ang iba nama’y nagpapahinga sa kanilang cottage.
Umabot sa 75 katao ang naisyuhan ng citation tickets dahil sa paglabag sa protocol habang ang iba naman ay napilitang sundin na lamang ang payo ng kanilang alkalde na lisanin na ang pook at umuwi sa kanilang mga bahay.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang lokal na awtoridad para malaman kung mayroong pananagutan ang mga lokal na opisyal ng barangay dahil sa napaulat na paniningili umano ng entrance fee.
“Napag-alaman po natin na ‘yong barangay officials instead magbawal ay naningil pa ng entrance papasok doon sa ilog na ito,” ani Cajipe sa panayam ng Teleradyo nitong Lunes.
Matapos ipasara dahil sa insidente, hindi pa masabi ng lokal na pamahalaan ng Norzagaray kung kailan ito muling bubuksan sa publiko.
No comments:
Post a Comment