- Tukoy na ng PNP ang mga nasa likod ng bentahan ng vaccination slots sa mga lungsod sa NCR
- Mayroon na raw silang impormasyong nakalap base sa pagsisiyasat ng CIDG
- Magpupulong naman ang mga Metro Manila mayors para pag-usapan ito
Tukoy na umano ng PNP ang ilang katao na pinaniniwalaang nasa likod ng bentahan ng vaccination slots sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Magugunitang kumalat kamakailan sa social media ang diumano’y negosasyon para sa vaccination slots for sale sa mga lungsod ng Mandaluyong at San Juan na pawang itinanggi naman ng kanilang mga alkalde.
BASAHIN: Vaccination slot ‘ibinebenta’ umano sa ilang lungsod hanggang P15,000; DILG nagbabala
Sa panayam kay PNP spokesperson P/Brigadier General Ronaldo Olay, sinabi ng opisyal na may natanggap na silang impormasyon batay sa imbestigasyon na ginawa ng CIDG.
“May mga impormasyon na tayo at may mga tao na o personalities na na-identify through sa ating backtracking sa mga bagay na ‘yan,” bahagi ni Gen. Olay.
Lumabas kamakailan sa ulat ng ABS-CBN News na isang netizen ang inalok umano ng vaccination slot sa Mandaluyong City na nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P15,000 depende sa pipiling bakuna.
Bukod sa Mandaluyong City, nabanggit din sa naging usapan ng netizen at ng nag-alok ang San Juan City. Parehong itinanggi ito nina Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at San Juan City Mayor Francis Zamora na naglabas na ang pahayag para pabulaanan ang nasabing modus.
Kaugnay nito, sinabi ni Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na magkakaroon ng meeting ang mga alkalde sa Metro Manila upang pag-usapan ang isyu.
“May nag-report lang kaya lang wala pang ebidensiya, kaya magkakaroon kami ng thorough investigation dito para malaman natin ang puno’t dulo nito, kung ito ay valid o hindi,”ani Olivarez sa isang panayam.
Bagama’t alegasyon pa lamang ito, umapela pa rin si Olivarez sa publiko na huwag maniwala sa mga ganitong modus dahil malaki ang posibilidad na ito ay isang panloloko o scam.
Nauna nang nagbabala aang Department of Interior and Local Government (DILG) na papanagutin nila sa batas ang sinumang nasa likod ng ilegal na gawaing ito. Maaari umano silang sampahan ng patong-patong na kaso tulad ng theft at iba pang may kaugnayan sa fraud.
“We will assure the public that we will hold accountable those found to be responsible if these reports are found to be accurate. They will be prosecuted to the fullest extent of the law,” babala ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya.
No comments:
Post a Comment