- Tinamaan ng nakahahawa at wala pang lunas na sakit ang ilang kabayo sa Baguio City
- Kinumpirma ng veterinary office ng lungsod na nasa 27 kabayo na ang dinapuan ng ‘swamp fever’
- Inaalam na ng mga awtoridad kung paano nakapasok sa lungsod ang naturang sakit
Isang nakahahawang sakit sa kabayo na wala pang lunas ang kumakalat ngayon sa Baguio City at ilang hayop na rin sa lungsod ang napaulat na tinamaan at hindi na gumaling pa.
Kinumpirma ng veterinary office ng Baguio na nasa 27 kabayo na ang tinamaan ng ‘Equine Infectious Anemia (EIA)’ o ‘swamp fever’ simula noong Marso hanggang Abril at lahat ng mga ito ay nabigong makarekober.
Ang swamp fever, ayon kay Dr. Brigit Piok ng Baguio City Veterinary Office, ay sanhi ng isang virus na nagdudulot ng ilang sintomas sa kabayo tulad ng pamamayat, pagdurugo at pamamaga ng dibdib at binti.
Ito ay wala pang lunas sa kasalukuyan at karaniwang naikakalat sa pamamagitan ng mga langaw na dumadapo sa dugo ng kabayo.
Kapag tinamaan ang isang kabayo, wala umanong maaaring gawin kung hindi i-quarantine ito o kaya ay tuluyang i-put down.
“Hindi siya curable so kailangan talaga ang recommendation ng World Animal Health na i-isolate or mawala talaga ‘yung kabayo,” paliwanag ni Dr. Piok.
Nagpalabas na rin ng kautusan si Mayor Benjamin Magalong para sa mandatory isolation ng mga kabayong naapektuhan ng ‘swamp fever’.
Nilinaw naman ng beterinaryo na hindi naililipat sa mga tao ang ‘swamp fever’ subalit kailangang ipaalam kaagad ito sa mga kinauukulan para maiwasan ang pagkalat.
Dismayado na rin daw ang mga may-ari ng hayop dahil naaapektuhan na ang kanilang kabuhayan lalo pa ngayong nagsisikap makabangon ang turismo sa lungsod sa gitna ng pandemya.
Sa kasalukuyan, inaalam pa ng mga awtoridad kung paano nakapasok sa Baguio City ang naturang sakit.
No comments:
Post a Comment