
- Posibleng may iba pang sangkot sa ‘vaccination slots for sale’ na modus
- Ito ang tinitingnan ngayon ng mga awtoridad matapos sumuko ang isang lalaki sa MMDA
- Nauna nang itinanggi ni Kyle Bonifacio na siya ang nasa likod ng scam na kumalat sa social media
Sinisilip na ng awtoridad ngayon ang iba pang ‘persons of interest’ na posibleng sangkot din sa ‘vaccination slots for sale’ sa Mandaluyong City maliban sa lalaking sumuko nitong Miyerkules.
Kusang sumurender kay MMDA chairman Benhur Abalos si Kyle Bonifacio, ang 22 anyos na lalaking itinuturing na nasa likod ng modus na kumalat sa social media noong nakaraang araw.
Mariin namang itinanggi ni Bonifacio, na anak ng isang barangay councilor sa Mandaluyong, na sangkot siya sa scam at lumutang lang umano siya para linisin ang kaniyang pangalan.

Subalit ayon sa Mandaluyong PNP, umamin si Bonifacio sa isang pahayag na mayroong natuloy na katulad na transaction.
“We are looking into other persons of interest involved sa alleged selling of vaccination. According dun sa investigation, meron din siyang statement na merong na-commensurate na ganitong transaction,” ani Mandaluyong Police chief Gauvin Mel Unos sa panayam ng Teleradyo nitong Huwebes.
Maaaring wala naman daw talagang koneksiyon si Bonifacio sa Mandaluyong LGU at posibleng may mga kaibigan lang siyang may kinalaman sa vaccine rollout ang nagsamantala ng kanilang pagkakaibigan.’

May posibilidad rin daw na may kinalaman din si Bonifacio sa kaparehong modus sa San Juan City naman.
“There is a possibility na kasama din po sila dito kasi online din po ang transaction nila,” ani Unos.
Samantala, ipauubaya na ni Chairman Abalos sa PNP ang imbestigasyon sa naturang kaso. Ang mahalaga raw ngayon ay natuldukan na ang modus at natalupan na kung sino man ang nasa likod nito para papanagutin sa batas.
No comments:
Post a Comment