- Itinuring ni Mayweather na ‘best fighter’ si Pacman sa lahat ng kaniyang mga nakalaban
- Ito ay dahil umano sa galaw ng Pambansang Kamao
- Muling sasabak sa ring si Mayweather sa Hunyo
Makaraan ang anim na taon matapos ang kanilang makasaysayang paghaharap sa ring, inamin ni Floyd Mayweather Jr. sa kauna-unahang pagkakataon na si Manny ‘Pacman’ Pacquiao ang maaaring pinakamagaling sa kaniyang mga nakalaban.
Sa panayam sa undefeated American champion ni Gillie Da King sa ‘The Million Dollaz Worth of Game’ show, ibinahagi ni ‘Money’ Mayweather ang ilan sa kaniyang mga nakatunggali na sa tingin niya ay malalakas at talagang magagaling.
At isa nga ang Pambansang Kamao sa itinuturing niyang pinakamagaling sa lahat ng kaniyang nakasagupa.
“The best fighter I ever fought probably was Manny Pacquiao,” bahagi ni Mayweather na isa sa pinakamayamang boksingero ngayon sa kasaysayan ng sports.
Ito ay dahil umano sa galaw ng Pambansang Kamao na siyang dahilan kung bakit maaaring makabilang ang Pinoy legend sa Hall of Fame ng boksing.
“It’s because of his movement. He’s a hell of a fighter and I can see why he won so many fights and I can see why he’s going down as a Hall of Famer. It’s just certain moves that he makes,” dagdag pa ni Mayweather.
Nagharap sa ring sina Mayweather at Pacquaio noong May 2015 sa tinaguriang “Fight of the Century” at “Battle for Greatness” na pinagwagian ng Amerikano sa isang unanimous, at ayon sa ilan, ay kontrobersiyal na desisyon.
Samantala, maliban kay Pacman, binanggit rin ni Mayweather si Emmanuel Augustus bilang “roughest and toughest” at si Miguel Cotto bilang “strongest” sa kaniyang mga nakalaban.
“The roughest fighter probably was a guy named Emmanuel Augustus. The drunken master was tough. He was just tough,” kuwento pa ng American champ. “Miguel Cotto was very, very, physically strong.”
Ang 44-anyos na si Mayweather Jr. (50-0, 27 KOs) ay huling lumaban noong 2017 kontra MMA star Conor MacGregor sa T-Mobile Arena sa Las Vegas kung saan tinalo niya ang huli para sa kaniyang ika-50 panalo sa kaniyang karera.
Nakatakda siyang bumalik sa ring upang harapin ang sikat na You Tube sensation na si Logan Paul sa isang exhibition match sa Hunyo 6, na gaganapin Hard Rock Stadium sa Miami, Florida.
BASAHIN: Floyd Mayweather-Logan Paul exhibition match tuloy na sa Hunyo 6
No comments:
Post a Comment