Breaking

Post Top Ad

Your Ad Spot

Thursday, 8 September 2022

Alaga mula kay Manong: Pedicab driver nag-aalok ng libreng face mask, face shield, at alcohol sa mga pasahero


Larawan mula sa Facebook post ni Camille Joselle
  • Hinahangaan ang kabutihang loob ng isang pedicab driver mula sa Rizal
  • Namimigay kasi siya ng libreng face mask, face shield, at alcohol sa mga pasahero
  • Ayon sa driver, maliit na tulong lang kung tutuusin ang handog niya ngunit malaking proteksiyon ito para sa mga lumalabas ngayong panahon ng pandemya

Simula nang ma-quarantine ang buong Pilipinas dahil sa pandemya, maraming manggagawa na ang naapektuhan. Kabilang sa mga ito ay ang mga tsuper ng iba’t ibang pampublikong transportasyon. Dahil nga limitado ang labas ng mga tao, nalimitahan din ang biyahe ng mga drayber.

Gayunman, kahit humina ang kita, marami pa rin sa mga tsuper ang hindi nagpapatalo sa mga hamon ng buhay; bagkus ay nagagawa pa ring tumulong sa kapuwa nilang kapos.

Larawan mula sa Facebook post ni Camille Joselle

Ito ang pinatunayan ng isang pedicab driver mula sa San Mateo, Rizal. Sa kabila kasi ng kaunting kinikita, nagawa pa rin niyang magbigay ng libreng face mask, face shield, at alcohol sa kanyang mga pasahero.

Sa isang Facebook post ng netizen na si Camille Joselle, ibinida niya ang kabutihang loob ng pedicab driver.

Habang sakay ng pedicab, kinuhanan ni Camille ng larawan ang note sa loob ng munting sasakyan. Nakasulat rito na libre ang face mask, face shield, at alcohol sa lahat ng mga pasahero ni manong driver na papasok sa trabaho ngunit wala ng anuman sa mga proteksiyon na ibinibigay niya.

Dahil dito, naantig si Camille sa kabutihang loob ng driver. Ayon sa kanya, kahit daw dumaranas ng kahirapan ang katulad ng driver ay hindi pa rin nito nakalilimutang tumulong sa iba. At matapos mag-viral ang nasabing post ni Camille, ngayon ay marami nang nakikipag-ugnayan sa kanya at sa pedicab driver para magbigay ng tulong.

Ayon kay Camille, ang driver ay si Manong Rogelio Cañares, 56 anyos mula sa Barangay Ampid, San Mateo, Rizal. Higit 13 taon na raw nagmamaneho ng pedicab si Manong Rogelio at nasa isang buwan na siyang namimigay ng libreng face mask, face shield, at alcohol sa kanyang mga pasahero.

Larawan mula sa Facebook post ni Camille Joselle

Hayag ng magiting na driver, ang kanyang mabuting gawi ay maliit na bagay lamang kumpara sa magagawa nitong proteksiyon sa mabibiyayaan niya ng kaunting tulong. Sa panahon daw ng pandemya ay dapat nagtutulungan ang bawat isa anuman ang estado sa buhay.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Tatay Rogelio, maaaring mag-deposito ng tulong sa GCash account ni Camille sa numerong 0905-931-2053 o hindi naman kaya ay makipag-ugnayan sa kanya sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.


No comments:

Post a Comment

Post Top Ad

Your Ad Spot