
- Panibagong branch ng Jollibee ang bubuksan sa Europe
- Nakatakdang buksan ang Jollibee West End sa darating na Mayo 20
- Ito raw ay bahagi ng goal ng Jollibee na makapagbukas pa ng mas maraming branch sa iba’t ibang panig ng mundo
Malaking achievement para sa mga Pilipino entertainers ang makapagtanghal at mai-cast sa mga musical play sa West End, United Kingdom. Ito kasi ang tinaguriang commercial at entertainment center sa nasabing bansa na talaga namang dinarayo rin ng mga turista.
Ilan sa mga Filipino performers na nakapagtanghal na sa West End ay sina Lea Salonga, Rachelle Ann Go, at Aicelle Santos. Ngayon, isang tatak Pinoy na naman ang bibida sa nasabing entertainment center—hindi para magtanghal kung hindi para magpabusog.
Inanunsiyo ng fast food giant na Jollibee Foods Corporation na ngayong buwan ng Mayo ay bubuksan na ang kanilang branch sa West End, UK. Ayon kay Ernesto Tanmantiong, chief executive ng Jollibee, ang pagbubukas nila ng branch sa pinakasikat na bahagi ng UK ay bahagi ng kanilang layuning ipatikim sa buong mundo ang ‘Langhap Sarap’ na hatid ng Jollibee.
“Bringing Jollibee to London’s West End is part of our continued commitment to expand in Europe and bring our delicious crispy Chickenjoy to more people around the world,” lahad ni Tanmantiong sa isang pahayag.
Sa gitna ng umiiral na pandemya sa buong mundo, desidido pa rin ang Jollibee na tuparin ang kanilang goal na makapagbukas ng 450 branches ngayong taon kabilang ang opening ng Jollibee sa Leicester Square, West End sa Mayo 20.
Dagdag pa ni Tanmantiong, isa raw sa mga nais makamit ng Jollibee ay makapagbukas 50 branches sa buong Europe hanggang sa taong 2025, kabilang ang pagbubukas ng kanilang unang branch sa Spain. Sa kasalukuyan ay mayroon nang apat na Jollibee stores sa buong Europe kabilang ang branch sa Rome.
Agaw pansin naman para sa mga Pinoy fans ng Jollibee ang ibang color scheme na ginagamit ng Jollibee sa kanilang West End branch. Sa halip na nakasanayang red and yellow, may halong violet na rin ang motif at disenyo ng Jollibee branch mula sa kanilang gusali, tumblers, buckets, at fries container.
Maraming overseas Filipino workers mula sa West End, UK ang natuwa sa magandang balita. Ayon sa kanila, muli na nilang matitikman ang mga paborito nilang pagkain mula sa sikat na fast food restaurant na bumuo sa kanilang pagkabata.
No comments:
Post a Comment