
- Nagkaroon ng oversupply ng isdang tamban sa bayan ng Bulan sa Sorsogon
- Dahil dito, hinayaan na lamang na mabulok ang banye-banyerang tamban na hindi na maibenta
- Wala na rin daw bumibili nito sa mga pamilihan ngayon dahil nagsawa na ang mga tao sa naturang isda
Nasayang ang banye-banyera ng isdang tamban (Atlantic herring) sa bayan ng Bulan, Sorsogon dahil na rin sa oversupply ng nabanggit na isda na halos hindi na binibili at ipinamimigay na lamang sa mga tao.
Sa mga larawang ibinahagi sa social media ng ilang news outlet sa probinsiya, makikita ang napakaraming tamban o tinatawag na ‘lawlaw’ ng mga taga-Sorsogon, na nakasupot at naka-banyera pa na hinayaan na lamang na nakatambak sa fishport.

Ang iba naman ay pinabayaan na lamang na mabulok at anurin ng dagat na posible pa umanong maging sanhi ng polusyon.
Mayroon canning factory ngayon sa Bulan na gumagawa ng mga de-latang sardinas subalit sadyang hindi umano maiwasang magkaroon ng oversupply lalo na kapag panahon ng tamban o ‘lawlaw’.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Arnold Claveron, ang provincial field officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bicol, maaaring ang masaganang huli ng tamban ay dulot ng muling pagbubukas ng fishing season sa Visayan Sea.

Subalit napakarami daw ng nasasayang dahil nagkakaubusan na rin ng yelo sa Bulan, ayon kay Claveron.
“Maganda dahil dumami yung isda, kaya lang pagdating naman sa sobra-sobrang isda katulad nga sa Bulan may time kasi na talagang kinakapos ng yelo. Meron din 3 planta dun ng yelo kaya lang pag masyadong marami, hindi kakayanin,” pahayag ni Claveron.
Ang dating bilihan ng magandang klase ng tamban ay nasa P800 hanggang P2,000 kada banyera. Subalit kapag dumagsa na ang naturang isda, bumabagsak ito sa P200 na lamang.

Subalit ayon sa local news outlet, halos nasa bente pesos (P20) na nga lang ang bentahan ng iba ay hindi pa ito nabibili dahil nga sa oversupply.
Wala na rin daw bumibili nito sa mga pamilihan ngayon dahil nagsawa na ang mga tao sa naturang isda.
Ayon kay Claveron, sana raw ay makinig ang mga mangingisda sa abiso ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) at BFAR na limitahan na muna ang paghuli ng tamban kapag wala namang mga fish broker na gustong bumili nito.

Tinitingnan na rin ngayon ng BFAR ang pagsasagawa ng training sa mga residente para sa paggawa ng tuyo at patis upang huwag masayang ang isdang tamban kapag ganitong pagkakataon.
No comments:
Post a Comment