- Isang bagon ng MRT-3 train ang na-vandalize ng graffiti nitong Miyerkules
- Posibleng sinira rin umano ang perimeter fence at doon dumaan ang gumawa nito
- Tiniyak naman ng pamunuan ng MRT-3 na papanagutin ang sinumang nasa likod ng vandalism
Isang bagon ng MRT-3 train ang na-vandalize ng hindi pa nakikilalang indibidwal na maaaring responsible rin sa pagsira ng perimeter fence malapit sa Taft Avenue station.
Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng nasabing vandalism na nadiskubre ng isang train driver bandang alas-8:35 nang umaga nitong Miyerkules.
Sa larawang ibinahagi ng MRT-3, makikita sa tagiliran ng tren ang nakasulat na isang graffiti gamit ang itim na spray paint.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, posibleng nakapasok ang gumawa nito sa bahagi ng bagong-sirang cylone wire sa harap ng isang gasoline station sa may Taft.
Kuwento ng driver ng na-vandalize na tren, naghintay siya ng signal sa pagitan ng Magallanes at Taft Ave. station bago pumasok sa Taft subalit wala naman siyang napansin na kakaibang pangyayari.
Kasalukuyan nang nire-review ngayon ang mga CCTV sa lugar upang makita kung sinuman ang gumawa ng nasabing paninira.
Tiniyak rin ni MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard D. Eje na hindi sila titigil hangga’t hindi napapanagot ang nasa likod ng vandalism.
“Sisiguraduhin po natin na hindi tayo titigil sa imbestigasyon hangga’t hindi natin nahuhuli ang sinumang nasa likod ng disgraceful act na ito,” ani Eje sa isang pahayag.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng MRT-3 sa security provider na Kaizen Security Agency upang dagdagan pa ang mga guwardiyang nagbabantay sa lugar.
“Nakikipag-ugnayan na po tayo sa Kaizen Security Agency, at mga awtoridad sa pagdaragdag ng ating security personnel at pagdedeploy ng patrol cars para manduhan yung mga high-security risk stations natin, upang hindi na maulit ang ganitong mga insidente,” wika naman ni MRT-3 Director for Operations Michael J. Capati.
Ang sinumang may impormasyon tungkol sa naturang insidente ay maaari lamang makipag-ugnayan sa tanggapan ng MRT-3 o sa kanilang Facebook page upang maaksiyunan kaagad ang nangyari.
No comments:
Post a Comment