
- Kinagiliwan ang birthday photoshoot ng isang baby
- Hango ito sa NatCos o National Costume na isinuot ni Miss Universe-Philippines Rabiya Mateo
- Pagpapakita raw ito ng suporta para kay Rabiya sa laban nito sa Mayo 17, 2021
Matapos umarangkada ang pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo sa preliminary competition ng Miss Universe 2020 kung saan isa sa mga highlights ang National Costume, naging inspirasyon naman kaagad ito ng isang baby photoshoot para sa pagdiriwang ng kaarawan.
Ibinida sa Facebook post ni Zai Fabia-Cipriano ang ginantsilyo niyang kasuotan ng kaniyang anak na si Baby Gab, na nagdiriwang ng ikalawang buwan ng pagkakasilang. Naisipan nilang gayahin ang National Costume na isinuot ni Rabiya, para sa kanilang birthday photoshoot.
Tinawag nila itong ‘Ariba GABiya!’

“ARIBA, GABiya! Baby Gab’s version of Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo’s national costume for the Miss Universe pageant. #AribaGabiya!” saad sa caption ng kaniyang post.
“We support you Miss #RabiyaMateo!” pahabol pa niya, bilang pagsuporta kay Rabiya sa laban nito sa Miss Universe nitong Mayo 17, 2021.
Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.
“Ang cute naman ni Baby Gab! Bumagay sa kaniya yung national costume, pero sa kaniya, may headdress hahaha. Cute! I-tag na si Jessica Soho para ma-feature,” saad ng isa.
Turan naman ng isa, “Malay ninyo balang araw maging title holder din ang batang ‘yan! Ang galing ng pagkakatahi sa damit. Kudos sa parent!”
“Super adorable ng baby pati na yung crocheted costume niya! I love it! Ang galing mo, Mommy! Sana sa hinaharap ay maging Miss Universe contestant din ang baby mo, mukhang baby pa lang eh pak na pak na at magaling umawra, in fairness!” papuri naman ng isa.

Naganap ang National Costume Show ng Miss Universe sa Seminole Hard Rock Hotel and Casino sa Hollywood, Florida noong Mayo 13, 2021. Ginawa ito ni avant-garde designer Rocky Gathercole, na sa kasamaang-palad ay sumakabilang-buhay noong Marso 2021.
Ang ensemble nito na maihahalintulad sa isang ibon ay ay nagtatampok sa bandila ng Pilipinas, dahil sa bughaw at pulang pakpak na inadornohan ng tatlong gintong bituin. Ang kontrobersyal na headpiece naman na ginawa ni Manny Halasan ay hindi niya nasuot dahil nawala ito sa mismong oras ng kompetisyon. Humantong pa ito sa public apology ni Rabiya sa Instagram.
No comments:
Post a Comment