
- Binalikan ni OVP spokesperson Atty. Barry Gutierrez si Harry Roque matapos idamay si VP Leni sa hamon nito
- Hinamon na rin kasi ni Roque si Robredo at sinabing kahit isama pa niya sina Carpio at Del Rosario
- Ani Guttierez, napakalakas ng loob maghamon ng Palasyo gayung umatras naman sa una
Hindi pinalampas ng tagapagasalita ng Office of the Vice President (OVP) ang pagdamay ni Presidential Spokesperson Harry Roque kay VP Leni Robredo sa naunsiyaming debate sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Nitong Lunes sa kaniyang press briefing, hinamon na rin Roque si Robredo sa isang debate tungkol sa usapin sa West Philippine Sea dahil isa rin umano ang Bise Presidente sa mga ‘maiingay’ sa isyu.
Turan pa ni Roque, kahit magsama-sama pa sina Carpio, Robredo at dating Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario ay haharapin niya ang mga ito anumang oras.
“Kung talagang ayaw ni Associate Justice na makipag-debate sa ordinaryong abogado gaya ko… tayo po, mag-debate tayo,” matapang na hamon ng tagapagsalita ng Palasyo patungkol kay Robredo.
Binuweltahan naman ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez si Roque na ayon sa kaniya ay mistulang ‘may napakaraming oras‘ para sa ibang bagay maliban sa trabaho.
“Anlakas ng loob maghamon, eh yung unang debateng hiningi inatrasan naman,” ani Gutierrez sa kaniyang Twitter ilang oras matapos lumabas sa balita ang pahayag ni Roque.
“Mas mabuti pa, tularan na lang ninyo si VP Leni: magtrabaho na lang kayo. Dami n’yong oras eh,” dagdag pa ni Gutierrez.
Magugunitang si Pangulong Duterte ang unang naghamon kay Carpio, na kinalaunan ay umatras din bilang pagsunod umano sa payo ng kaniyang Gabinete.
Dahil dito, inako ni Roque ang hamon ng Pangulo at sinabing handa siyang harapin si Carpio. Tumanggi naman ang dating mahistrado ng Korte Suprema dahil kung ano-ano na raw na paksa ang nais ni Roque na isali sa debate gayung wala naman ito sa binanggit dati ni Duterte.
Maging si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ay sumali na rin at sinabing nakahanda siyang harapin si Carpio na nagkataong ka-brod pa naman niya sa Sigma Rho.
No comments:
Post a Comment