- Inilunsad ng PNP ang Barangayanihan Help and Food Bank sa buong bansa
- Layunin ng naturang inisyatibo na isabuhay ang motto ng PNP na “to serve and protect” at paigtingin ang social responsibility nito lalo na ngayong panahon ng pandemya
- Sinabi ni PNP chief Gen. Eleazar na ang Barangayanihan ang kontribusyon ng PNP na maabot at makapagbigay ng ayuda sa bawat Pilipino
Pormal na inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang BARANGAYanihan (Bayanihan sa Barangay) Help and Food Bank sa Camp Crame sa Quezon City noong Biyernes, May 14. Pinangunahan ito ni PNP chief General Guillermo Eleazar.
Sinabi ni Gen. Eleazar na ang paglulunsad nito ay sabay-sabay na ginawa sa lahat ng police regional office sa buong bansa.
Layunin ng naturang inisyatibo na isabuhay ang motto ng PNP na “to serve and protect” at paigtingin ang social responsibility nito lalo na ngayong panahon ng pandemya. Ani Gen. Eleazar, ipinakikita ng Barangayanihan ang tunay na diwa ng pagtutulungan ng mga Pilipino sa oras ng kagitipitan.
Malaking bagay din umano ang naturang proyekto sa kasalukuyang panahon na marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho at kabuhayan sanhi ng COVID-19 pandemic.
“The Covid-19 pandemic has tested the true character and unveiled who we truly are as Filipinos — nagtutulungan, may puso at may malasakit sa kapwa natin sa panahon ng kagipitan,” sabi ni Gen. Eleazar sa kanyang talumpati.
“Inaasahan ko na ang lahat ng kapulisan ay makikiisa at isasapuso ang proyektong Barangayanihan dahil ito ang tunay na kahulugan ng PNP motto na ‘To Serve and Protect’, at ito ang tunay na diwa ng salitang Pilipino,” wika pa ng PNP chief.
Sinabi pa ni Gen. Eleazar na ang Barangayanihan ang kontribusyon ng PNP na maabot at makapagbigay ng ayuda sa bawat Pilipino.
Ang ganitong kampanya ay matagal nang ginagawa ng PNP sa pamamagitan ng police-community relations programs gaya ng Kapwa Ko, Sagot Ko, Community Feeding Program; Adopt-a-Family Program; at iba pang support services.
No comments:
Post a Comment