
- Nagbalik-tanaw ang ilang kabataan sa isang pamahiing ginawa nila noon nang matanggalan ng ngipin
- May matandang paniniwala kasi na kailangang ihagis sa bubong ang sirang ngipin upang mapalitan ng mas maganda at mas matibay
- Ayon pa sa paniniwala, kapag daw natangay ng daga ang ngipin mong inihagis sa bubong, magkakaroon ka raw ng ngiping kasing tibay tulad ng isang daga
Sa modernong panahon, isa sa mga tila unti-unti nang nalilimot ay ang kaugalian ng mga Pilipino na maniwala sa mga pamahiin. Dahil makabago na nga ang ating pamumuhay, nagkakaroon na ng mas maliwanag na ekplanasyon ang maraming bagay.
Ngunit nakalilimutan mang ipamana ang mga pamahiin sa makabagong henerasyon, maraming kabataan pa rin noon ang patuloy na binabalikan ang nakasanayang gawain lalo na noong musmos pa sila.
Sa isang post nga ng Facebook page na Kami ang Batang 90s, binalikan nila ang isang kaugalian ng mga batang Pilipino tuwing mabubunutan ng ngipin. Ito ay ang pagtatapon ng natanggal na ngipin sa bubungan upang mapalitan daw ng mas magandang ngipin.
Isang matandang paniniwala kasi noon na kapag natanggal ang ngipin, dapat ay itapon ito sa bubong o saan mang sulok ng bahay na dinaraanan ng mga daga. Kasabay ng pagtapon sa bubong ay ang pagbulong ng “daga palitan mo ang ngipin ko.”
Kilala kasi ang mga daga na mayroong matibay na ngipin na tila kahit ano nga ay nangangatngat nila. Kapag daw nakain o natangay ng daga ang itinapon mong ngipin, magkakaroon ka ng kasing tibay na ngipin tulad ng ngipin ng isang daga.
Ayon naman sa ilan, walang kinalaman ang daga sa pagtatapon nila ng ngipin sa bubong. Paliwanag sa kanila ng kanilang mga magulang, kapag daw itinapon ito sa bubong, tutubo raw ito nang mas mabilis na parang pagtatapon ng buto sa lupa.
Pahayag naman ng ilang netizens, kahit na walang siyentipikong basehan ang pagtatapon nila ng ngipin sa bubong, iniuugnay nila ang pagkakaroon ng matibay at magandang ngipin sa paniniwalang ito. Wala naman daw mawawala kung maniwala sa ganitong pamahiin.
Ngunit ano man ang totoo, kung talaga bang may papel ang mga daga sa pagtubo ng ating mga ngipin, ang mahalaga ay nasariwa ng mga netizen ang matamis na alaala ng kanilang pagkabata.
Ikaw, nagawa mo bang magtapon ng ngipin sa bubong at humiling ng bagong ngipin sa daga?
No comments:
Post a Comment