
- Tinutulan ng DOH ang panukalang isyuhan ng vaccine pass ang mga taong fully vaccinated na
- Ang pagbibigay ng vaccine pass ay unang ipinanukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion
- Sinabi ni DTI Sec. Lopez na pinag-aaralan nito ang panukala
Hindi pinaboran ng Department of Health (DOH) ang panukalang isinusulong ng Department of Trade and Industry (DTI) at ibang miyembro ng pribadong sektor na isyuhan ng vaccine pass ang mga taong fully vaccinated na o naturukan na ng 2 doses ng COVID-19 vaccine upang papasukin sila sa mga establisimyento.

“Hindi po. Hindi po kami sang-ayon sa ganyang pagpapalakad, o kaya magkakaroon tayo ng ganyang mga proseso,” pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire tungkol sa panukalang vaccine pass.
Nilinaw niya na ang benepisyong makukuha ng mga naturukan ng COVID-19 vaccine ay ang mabawasan ang malubhang impeksyon at ang pagkaka-ospital.
“Ang pinaka-assurance o benepisyo na nakukuha natin sa vaccines is reducing severe infections and hospitalizations. But as to preventing mild to moderate infections, hindi pa rin po tayo nagbibigay ng ganyang assurance sa ating mga kababayan. Kaya sa ngayon po, even if you completed two doses, kailangan pa rin magpatupad ng health protocol. Ang sinasabi na vaccine pass ay hindi pa rin mairerekomenda ng Kagawaran ng Kalusugan,” sabi ni Usec. Vergeire.
Nauna nang ipinanukala ni Presidential adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang konsepto ng vaccine pass upang mapalawig ng mga ilang negosyo ang kanilang indoor operations.

Inamin naman ni DTI Sec. Ramon Lopez, na pinag-aaralan nito ang panukala ng ilang mga negosyante, partikular na ang restaurant sector, hinggil sa vaccine pass. Tinitingnan umano ng ahensya ang mga benepisyo na maaaring ialok ng mga negosyante sa mga taong fully vaccinated.
Nilinaw ng kalihim na kailangan pa nito ng approval mula sa technical working group ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
No comments:
Post a Comment