
- Nagpahayag si DFA Sec. Teddy Locsin na aaraw-arawin niya ang paghahain ng diplomatic protest kontra sa China hangga’t hindi umaalis ang mga Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef
- Hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pang 44 Chinese vessels na nananatili sa Julian Felipe Reef
- Iginigiit ng China na sakop ng kanilang teritoryo ang Julian Felipe Reef na tinatawag nitong Niu’e Jiao
Aaraw-arawin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paghahain ng diplomatic protest laban sa China hangga’t ang mga Chinese vessels nito ay nananatili pa rin sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

“Firing another diplomatic protest. Every day ‘til the last one’s gone like it should be by now if it is really fishing,” post ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa Twitter noong Miyerkules, ika-7 ng Abril.
Noong nakaraang buwan pa namataan ang mahigit 200 barko na pinaniniwalaang bahagi ng Chinese militia ang nakahimpil sa Julian Felipe Reef.
Batay sa huling impormasyon mula sa Armed Forces of the Philippines at sa National Task Force for the West Philippine Sea, mayroon pang 44 Chinese ships ang nasa lugar. Iginiit ng China na ang mga barko ay hindi militia kundi mga fishing vessels na nakahimpil sa bahura dahil sa masamang panahon.
Nauna nang sinabihan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang China na paalisin na ang mga barko. Naniniwala siya na mga militia ang lulan ng mga barko at hindi mangingisda tulad ng ipinahayag ng Chinese embassy sa Maynila.

Naglabas din ng pahayag ang China na ang Julian Felipe Reef, na tinatawag nitong Niu’e Jiao, ay bahagi ng Nansha Islands (Spratly Islands) na bahagi umano ng kanilang teritoryo kung saan matagal na panahon na raw na nangingisda ang mga Chinese fishermen.
No comments:
Post a Comment