
- Kinaaliwan ng netizens ang isang guro na nagreply sa kaniyang estudyante sa araw ng kaniyang kasal
- Hindi na ito bago sa mga guro lalo na ngayong online ginaganap ang mga klase at hindi nakapagtatanong nang personal ang mga mag-aaral
- Sa katunayan, isang guro na rin ang nagbahagi ng ganitong tagpo sa araw ng kaniyang kasal
Bilang pangalawang mga magulang ay inaasahan ang mga guro na maging gabay sa kanilang mga estudyante. Ang kanilang mga responsibilidad, madalas ay hindi nagwawakas sa pagtatapos ng kanilang klase lalo na sa panahon ng distance learning.
Patunay rito ang isang guro na nagawa pang mag-reply sa kaniyang estudyante sa araw mismo ng kaniyang kasal.

Ibinahagi ng gurong si Irish Jeanne ang screenshot ng mensahe sa kaniya ng kaniyang estudyante na nagtatanong tungkol sa kaniyang papel. “Ma’am, saan n’yo po nakuha ‘yong papel ko na na-check n’yo? Kasi po ma’am wala raw ‘yong ibang subject, e magkakasama po ‘yan e,” pagtatanong nito.
Bilang tugon ay ipinadala ng guro ang kaniyang larawan na nakasuot na ng wedding gown at tila papunta na sa venue. “Wait lang, Larah. Ikakasal lang si Ma’am. Replyan kita later,” sabi niya pa.
Bumuhos naman ang congratulatory messages para sa guro sa kaniyang post na ngayon ay mayroon nang mahigit 20k reactions at 6.4k shares.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito sa isang guro. Noong Oktubre 2020 ay ibinahagi ni Rhandholf Fajardo ang palitan nila ng mensahe ng kaniyang estudyante na nagtatanong naman kung ano ang una nilang sasagutan.
“Wait lang, nak. Ikakasal lang si Sir,” tugon niya rito kalakip ang larawan nila ng kaniyang misis.
Para sa netizens, kahanga-hanga ang mga gurong ito dahil kahit pa “big day” nila ay hindi sila nagdalawang-isip na sagutin ang kanilang mga estudyante, patunay raw na handang isantabi ng mga guro ang kanilang personal na buhay sa ngalan ng kanilang responsibilidad.
Saludo at best wishes sa bagong kasal na guro!
No comments:
Post a Comment