
- 200,000 na Pinoy kada araw ang target na mabakunahan ng gobyerno
- Unang darating sa bansa ang Pfizer at susunod dito ang Sinovac vaccine
- Sa kasalukuyan, nasa 25,000 vaccinator na ang sumasailalim sa training
Layunin ng pamahalaan na mabakunahan ang hanggang 200,000 na mga Pilipino kada araw sa oras na maging available na ang COVID-19 vaccine sa bansa.
Ibinahagi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. nitong Martes na sa kasalukuyan ay nasa 25,000 vaccinators na umano ang sumasailalim sa training upang makamit ang mithiing ito.

“Marami na po tayo nabigyan ng training. Ongoing ang training natin, we are training more or less 25,000 vaccinators,” anang kalihim sa panayam ng Teleradyo.
Sa ngayon ay kinakalap na mula sa mga local government units o LGUs ang listahan ng taong kasali sa libreng mabibigyan ng bakuna.
“We are trying to vaccinate at least a 100 to 200,000 people every day. Yun po ang gagawin natin para at least magkaroon tayo ng record-breaking daily vaccination rollout,” wika pa ni Galvez.

Inaasahang mauunang dumating sa bansa ang COVID-1 vaccine ng Pfizer kaysa sa Sinovac, ayon kay Galvez. Ang Pfizer vaccine ay ipamamahagi sa iba pang mga bansa sa pamamagitan ng COVAX facility at ito ay nakatakdang magsimula na sa Pebrero.
Aabot umano sa 20 milyong katao ang ang makakakuha ng libreng bakuna mula sa Pfizer.
Samantala, sigurado na rin daw ang 25 milyong doses ng bakuna mula sa Sinovac at 50,000 nito ay mauunang dumating sa huling bahagi ng Pebrero. Ito ang inaasahang ituturok sa mga health frontliners, ayon kay Galvez.
“Ito yung tinatawag natin na rehearsal para matuto ‘yung ating mga vaccinator at makita natin yung assimilation paano natin gagawin ang national rollout,” paliwanag ng opisyal.

Nangako rin ang Sinovac na magde-deliver ng 950,000 doses sa Marso, 1 milyon sa Abril, 1 milyon sa Mayo, at 2 milyon sa Hunyo, hanggang sa makumpleto ang 25 milyong doses bago matapos ang taon.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino sa loob ng tatlong taon upang makamit ang tinatawag na ‘herd immunity’.
Dahil dito, plano ng pamahalaan na makabili ng hanggang 148 milyong doses ng bakuna ngayong 2021.
No comments:
Post a Comment