- May kaakibat na peligro ang pag-iimpok ng pera sa bahay
- Itinampok sa KMJS ang dalawang kuwento na nagpapakitang hindi ligtas ang nagtatago ng pera sa loob lang ng bahay
- Batay sa survey ng BSP noong 2019, mahigit 51 milyong Pinoy ang walang bank account
- Isa sa mga dahilan kung bakit walang bank account ang maraming Pinoy ay ang kakulangan o kawalan ng documentary requirements o mga ID na hinihingi ng bangko
Mahalaga ang pag-iipon o pag-iimpok ng pera upang paghandaan ang ating kinabukasan at upang may panustos sa mga gastusing hindi inaasahaan o pambayad sa mga bagay na gustong mabili tulad ng bahay, kotse at iba pa.
Maraming mga Pinoy na sa bahay lang itinatago ang pera nilang naiimpok – maaaring sa alkansya, sa pitaka o kaya ay sa loob ng aparador. Kapuri-puri ang ganitong pag-iipon subalit may kaakibat na peligro ang ganitong paraan ng pagtatago ng pera gaya na lang ng dalawang kuwento na ibinahagi ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).
Si Jem Lemuel Ramos ay bumakas sa food cart business ng kanyang kapatid. Gusto rin niyang magkaroon ng sariling negosyo tulad ng sa kapatid kaya naisipan niyang ipunin ang P4,000 na share niya sa tubo ng negosyo nila. Sa pitaka lang niya inilalagay ang perang naipon at itinatago iyon sa ilalim ng mga damit sa loob ng aparador na yari sa kahoy.
Umabot na sa P20,000 ang kanyang ipon, ngunit sa kasawiang-palad ay kinain ng anay ang mga iyon. Sinubukan niyang papalitan sa bangko ang mga paper bills subalit hindi na ito tinanggap.
Naabo naman ang mahigit P300,000 na naipon ni Merlinda Talleno nang lamunin ng apoy ang mini grocery nila. Ang perang naipon sa loob ng halos apat na taon ay sa isang sling bag at sa iba’t ibang parte ng tindahan niya itinatago. Mabuti na lang at naisalba pa ang kalahati ng halaga.
Mahihinuha sa naging karanasan ni Jem Lemuel at Aling Merlinda na may peligro sa pag-iimpok ng pera sa bahay lang. Mas mainam na sa bangko mag-impok. Ligtas na dahil insured ang pera (hanggang P500,000) sa Philippine Deposit Insurance Corporation at lumalago pa ito dahil tumutubo ng interest.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), maaari pang palitan ang mga nasirang pera kung ang natitira ay nasa 60% pa, naroon pa ang serial number at security thread.
Basahin: Alamin: “Inanay na pera”, may halaga pa ba?
Batay sa survey na isinagawa ng BSP noong 2019, mahigit 51 milyong Pilipino ang walang bank account. Isa sa mga dahilan nito ay ang kakulangan o kawalan ng documentary requirements o mga ID na hinihingi ng mga bangko.
Ang problemang ito ang isa sa mga nais matugunan ng national ID system o ang Philippine Identification System (Philsys)– ang pagkakaroon ng lahat ng mga Pilipino ng isang ID na magagamit sa kahit anong transaksyon.
Target ng pamahalaan na ang lahat ng mga Pilipino ay magkaroon ng national ID bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa taong 2022. Noong nakaraang buwan ay nakapagparehistro na ang Pangulo sa Philsys.
No comments:
Post a Comment