
- Ipinalabas na ang premiere episode ng It’s Showtime sa A2Z Channel 11
- Pag-aari ito ni Jesus Is Lord Church founder Bro. Eddie Villanueva
- Ipinakita ni Bro. Eddie ang suporta sa pamamagitan ng panonood nito sa bahay
Nagsimula nang umere ang noontime show na “It’s Showtime” sa free TV sa pamamagitan ng rebranded na “A2Z Channel 11,” na nabuo dahil sa partnership ng ABS-CBN at Zoe Broadcasting Network na itinatag ni Jesus Is Lord Church founder Bro. Eddie Villanueva, nitong Oktubre 10, 2020.
Walang patumangga ang kasiyahan at pasasalamat ng mga It’s Showtime hosts sa pangunguna nina Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Amy Perez, Karylle, at iba pa dahil sa wakas ay dumating na ang “Better Days” para sa network. Nagkaroon pa ng maikling appearance at pagbati si Anne Curtis na nasa Australia pa.

Naging emosyunal naman ang bagong pasok na host na si Kim Chiu dahil sa mga nangyayaring ito.
Bukod sa mga hosts, nagbunyi rin ang mga “Madlang Pipol” na televiewers at netizens dahil sa bagong development na ito sa Kapamilya Network. Agad na naging #1 trending ito sa Twitter dahil marami talaga ang naka-miss sa naturang noontime show.
At bilang suporta, namataan ding nanonood ng premiere episode ng It’s Showtime si Bro. Eddie sa A2Z Channel 11 habang kalong-kalong ang kaniyang apo, at nakaupo sa couch ng kanilang bahay. Ibinahagi ito sa Twitter post ng kaniyang anak na si “Jovi Villanueva-Binalla.”
“Bro. Eddie Villanueva is praying for all of you while watching Showtime.. God bless you all Kapamilya!” ayon sa caption ng post.
Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.
“Salamat po at binigyan ninyo ng pagkakataon ang maraming Pilipino na maging masaya sa pagbabalik ng ABS-CBN shows sa Free TV. Pagpalain po kayo!” sabi ng isa.
Turan naman ng isa, “Maraming salamat po Bro. Eddie and Zoe TV sa pagkakataong ibinigay ninyo upang makabalik ang ABS-CBN. Isang maagang pamasko para sa mga Pilipino na naghahangad ng kaunting kasiyahan sa pamamagitan ng free TV.”

“From the bottom of my hypothalamus, maraming salamat po sa pagyakap sa ABS-CBN. Tunay po kayong may pusong iniukit ng Panginoon at handang magsilbing liwanag sa lahat,” pahayag naman ng isa.
Bukod sa It’s Showtime, mapapanood din sa A2Z Channel 11 ang “ASAP Natin ‘To,” mga teleserye sa Primetime Bida, at mga pelikula ng Star Cinema.
No comments:
Post a Comment